ARAW 7

ANG WAKAS NG KANYANG PAMUMUNO

“Kinakailangang maging ganito tayo bilang mga  sinauna sa Instituto – mga pundasyon na nakatago, nakakubli.  At kung masasaksihan ito, sadyang tunay na di- kagandahan!  Durog at pawang mga natapakang bato…Gayunpaman, ang mga ito  ang sandigan ng gusali, at kung higit na maganda ang gusali,  higit pang  malalim ang pundasyon nito at higit na durog sa sariling bigat nito…”

Ito ang wika ni Raphaela  Maria kay Pilar sa kanyang liham bilang  586, sinulat mula sa Roma noong ikalima ng Hulyo, taong isang libo, siyamnapo’t walo (Hulyo 5, 1908).  Si Pilar ay  nasa Valladolid, Espanya, mula nang  lisanin niya ang  Roma noong Mayo labimpito, taong isang libo, siyamnapo’t tatlo (Mayo 17, 1903).  Ang dalawang magkapatid ay parehong tinanggal sa pamumuno ng Instituto bilang General, ang pinakamataas na pinuno ng Instituto.  Pinalitan ni Pilar si Raphaela Maria bilang General at pinalitan naman  ni Purisima  si Pilar  noong ikalawa ng Febrero,  taong isang libo, siyamnapo’t anim (Febrero 2, 1906).   Sa bandang huli, ang dalawang magkapatid ay parehong isinantabi sa Instituto na kanilang itinatag.  Napakaraming mga pangyayaring walang pagkakaunawaan, mga sitwasyong naisabuhay nang di wasto, mga panghuhusga na walang batayan… Isinabuhay ni Raphaela Maria ang lahat nang g ito  mula sa kailaliman ng kanyang puso.

Ang napakalalim na kababaang-loob ni Raphaela  Maria ang nag-udyok sa kanya na sabihin ang mga kataga patungkol sa pagiging mga durog na pundasyon ng gusali. Sa kalaunan, sa parehong liham, sinabi niya sa kanyang kapatid:  … “Lakas ng loob at kabutihang-loob.”

Si Raphaela María, na siyang laging nagtitiwala sa pag-ibig ng Diyos,  nakipagsapalaran ng malalim, sa puso at kalooban ng Diyos.  Batid niya na ang gusali ay kailangang umugat ng matatag. Sa liwanag ng kanyang buhay, ang kanyang mga kataga ay sadyang makatotohanan.  

Noong mga unang taon, habang nasa Madrid siya, sinulatan niya  ang ilan sa mga sinaunang madre ng Komunidad ng Cordoba:  “Mga minamahal ko, ngayong nasa umpisa pa lamang tayo,  itatag natin nang mabuti at malalim ang mga pundasyon, nang sa gayon kung dumating ang mga unos o bagyo, hindi magiba ang gusali. At gawin natin itong sama-sama…nagkakaisa sa lahat ng bagay tulad ng mga daliri ng isang kamay…at ating makakamit ang anumang ating mimithiin  dahil mayroon  tayong Diyos na sumasaatin.” (1884, Komunidad ng Córdoba).

Mula noong mga unang araw na iyon, sadyang napakaraming oras ng malalalim na pagninilay at usapan,  kasama ang kanyang “pinakamalambing na Ama”,  kapiling 

ang kanyang “Mabuting Hesus” at  kapiling si “Maria,” mga pag-uusap na kung saan dinala niya ang lahat ng sangkatauhan sa kanilang banal na presensiya.  Mula sa kanyang mga kataga, sinabi niya: “sa pagtingin kay Hesus, humuhugot tayo ng lakas…at higit pa roon…!”

“Ako, Panginoong aking Hari, laging hihingi ng Iyong mga payo; makikinig ako sa Iyong mga banal na salita mula sa kaibuturan ng iyong banal at maawaing puso.  Hindi lang ako makikinig, bagkus tutularan ko ang Iyong banal na mga turo at babalutin ko ang aking sarili ng mga ito upang maging karapat-dapat ako  sa iyong mga paningin.  Mananahan ako Saiyo nang higit na  malapitan. ” (SE 1892)

“… at hiningi ko  kay Hesus na sa apoy ng Kanyang pag-ibig sa kapwa,  pag-alabin nawa Niya sa lahat,  ang Kanyang pinakamamahal na kagandahang-asal:  ang pinakamalalim na kababaang-loob, ang pinakamahalagang kawang-gawa sa mga mahihina, ang pasensiya at pagpaparaya sa isa’t isa, ang sadyang labis na pananabik na tularan si Hesus sa lahat ng bagay, na  magkaisa  sila  upang  magkaisa kay Hesus.  Sapagkat sa pagkakaisa, may  kalakasang matatagpuan,  ngunit sa pagkahati-hati,  walang  anumang  mabubuong  proyekto.”

“… ang sinumang ibig maging dakila sa inyo ay magiging tagapaglingkod ninyo. Ang sinumang ibig na maging una sa inyo ay magiging alipin ninyo.  Maging katulad siya ng Anak ng Tao na naparito, hindi upang paglingkuran kundi upang maglingkod at magbigay ng kaniyang buhay na pantubos sa marami.”      (Mt 20, 26b-28). 

Paano ko kinakaya ang mga paghihirap na dumarating sa aking buhay? Hanggang  saan ko paninidigan ang aking ugali ng paglilingkod at pagpaparaya?

PANALANGIN KAY STA. RAPHAELA MARIA

Sta. Raphaela María, tulungan mo kaming hanapin ang kalooban ng Diyos sa lahat ng bagay:  matutunan naming mamuhay mula sa tulong at  gabay ng Diyos, harapin namin ang bawat paghihirap na nakaugat sa Iyong pag-ibig, hanapin at piliin namin ang kapayapaan at pagkakaisa,  na ang aming buhay ay maging sabay-sabay na paghabi ng pagkabukas-palad at kabuuang dedikasyon sa aming kapwa, maisabuhay namin ang bawat  pangyayari sa aming buhay na nakaugat sa pananampalataya at awa, na maging huwaran at salamin ng aming mga buhay ang iyong buhay.  Hinihiling namin ang lahat nang ito sa pamamagitan ni  Hesus, aming Panginoon. Amen.